Photo Credit: rightcopywriter.com

Published 03/28/2014 in Definitely Filipino Blog

With whooping 1234567890 Reads!

Ano kayang mararamdaman mo kung akda mo ang magkaroon ng ganyan kadami ng reads? Ano kaya ‘yung feeling na mismong publisher ang kakatok sa pinto mo para ma-publish ang story mo? At ano kaya ang pakiramdam na magkaroon ng libo-libong readers? Sarap ano?

Pero, wala na yatang mas sasarap pa sa pagtupad ng mga pangarap mo. Wala na yatang mas sasarap pa kapag ganap ka nang manunulat. Samahan n’yo ako mag-flashback tungkol sa kuwentong manunulat ko. :D

Wattpad ang unang naging vehicle para maipakita sa mundo ang mga akda ko. Dahil baguhan pa ang lola mo, explore-explore muna. Sinubukan kong i-adopt ang style of writing ng mga tao doon.

Example:

Lakad.

Lakad.

Lakad.

O_O

Nakita ko siya sa dulo ng corridor. Oh my gosh! Kinikilig ako! *hampas sa wall*

 Pero hindi ako tumagal. Alam ko naman kasi simula’t sapul kung ano ang proper way of writing. Tsaka, hindi naman effective sa akin ‘yung ganyang klase dahil wala rin namang gaanong nagbabasa ng mga “jeje” story ko. Naisip ko, hindi ko spotlight ang Wattpad. Pansamantala kong iniwan ang profile ko doon hanggang sa mapadpad ako sa Definitely Filipino Blog.

Pinag-aralan ko rin ang mga post dito. Isang bagay ang napansin ko, lahat ng post sa site na ito, may saysay. Kahit simpleng pamamahagi lang ng karanasan, may matututunan ka. Kaya naisip ko, bakit hindi ko subukan? Iyon nga, sinubukan ko nga. One article after another, kung ano-ano pinagsusulat ko. Hanggang sa lumagpas ako ng 100 articles. Taray ‘di ba?

Blessing na maituturing ang mapabilang sa Definitely Filipino Bloggers Int’l. Sa pamilyang ito ko kasi na-meet ang mga taong kapareho kong may matinding passion sa pagsusulat. Dedicated sila sa mga ginagawa nila. Nakakahawa po sila pagdating sa dedication.

Sa more than 100 articles, kasama na doon ang “My Firsts with Him”, ang una kong nobela. Hindi ko inaasahang matutuwa at magugustuhan ito ng mga OFW sa Mga Balitang Pinas Facebook page. Marami sa kanila ay nagpasalamat dahil kahit papaano raw, para silang naging high school at kinilig-kilig ulit. Ako naman, nagpapasalamat din dahil binigyan nila ng oras para basahin ang akda ko. Siyempre, laking pasasalamat ko rin sa nanay ko sa writing world, si Mommy Joyce na nag-share ng story doon sa page.

Dahil nakatapos ako ng isa, nakagawa pa ako ng “Casanova Newbie” at “Perfectly Imperfect”. Pasingit-singit ang iba’t ibang articles. Manunulat na nga ba ako? Hindi ko alam pero may gusto pa akong marating eh. Gusto kong makita ang pangalan ko “in print”.

Dumating ang qualifying exam for our School Newspaper. Siyempre, sumali ang lola mo.  Nandiyan kasi iyong word na “try”. Pumasa ako. End of story. Joke lang.

Huwag muna, mahaba pa naman buhay ko. Ayun nga, second year of College, kahit nangangapa ay natutunan ko ang pagkakaiba ni Feature writing at News writing. Goosebumps here, there and everywhere noong nakita ko ang gawa kong article sa school paper namin. Ang sarap sa pakiramdam titigan ng pangalan ko. Doon ko talaga nasabing, “Writer na nga ako!”

Taken from my Instagram account. Follow me @memealberts

Taken from my Instagram account. Follow me @memealberts

Sa loob ng isang taon, hindi nalang ako pang-fiction writing. Mas nahuhubog na ako ngayon. Adobo lang ang peg, habang tumatagal, lalong sumasarap(Hehe). Versatile at resilient, ika nga nila. Alam kong hindi big deal kasi wala namang fans na magce-celebrate ng achievement ng idol nila. Isa pa, wala naman akong fans. Readers na awesome, meron!

Ang daming opportunity na dumating sa akin habang part ako ng Publication staff ng school. Una, nakapunta ako sa isang writing workshop kung saan nandoon si Bebang Siy at Eros Atalia. Marami pang seminar na parating sa summer. Wuhoo!

Bakit ako nag-share? Wala lang. Ngayong gabi ko kasi naisip na hindi ko kailangang maging mainstream katulad ni Denny (may-akda ng Diary ng Panget) at ni Alyloony (may-akda ng Operation: Break the Casanova’s Heart) para maging masaya sa pagsusulat. Kung gusto mo, eh ‘di isulat mo. Malawak na larangan ang pagsusulat. Kung rejected ka dito, eh ‘di sumubok ng bago. Tsaka, hindi sa pagsikat natatamasa ang saya ng pagsusulat.

Kung tunay kang manunulat, ang isang tapos na akda ay achievement nang maituturing. Ang recognition at rewards, bonus nalang iyon. Iyon ang pananaw ko. Ewan ko nalang sa iyo.

Tsaka, lakas loob nalang din sa mga bagay-bagay. Kung hindi ako naglakas-loob kumuha ng qualifying exam, siguro patuloy na matutulog ang ibang kakayahan ko.

Huling hirit na: PASSION. Huwag mapagod sa isang bagay na passion mo kahit gaano kahirap. :D

Love-love!

ememalberts

3/29/2014 12:48 AM

©Copyright 2014, Memealberts™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog is strictly prohibited without permission.

 

About these ads